✎ Dave Calpito
Isang larawan ng isang Koreanong estudyante at isang matandang babae habang magkasalong kumakain sa isang fastfood chain ang naging viral matapos itong mai-post sa isang social media page.
Ipinost ni Hillary Lee Aguada sa kanyang Facebook account noong Agosto 12, 2015 ang nakunang larawan. Ani Aguada, una niyang napansin ang matandang babae na lumapit sa counter ng isang fastfood chain sa Session Road sa Baguio City upang bumili ng pagkain bagama't mukhang kapos ito sa pera. Gula-gulanit ang damit ng matandang babae at tila walang permanenteng tirahan.
Dahil sa nakita, ikinagulat ni Aguada nang lumapit ang isang Koreanong lalaki na nagmagandang-loob na binayaran ang pagkain ng matanda. Bukod sa pagbabayad, sinaluhan pa ng Koreanong lalaki ang matandang babae sa pagkain.
Nakilala ang Koreanong lalaki bilang si Jeong Tae Gu, isang mag-aaral sa University of Baguio.
Ayon kay Jeong, ang aktong panlilibre at pagsalo sa matandang babae ay dala ng alaala ng kanyang pumanaw na lola.
Ang naka-post na larawan ay naging viral at umani ng napakaraming likes at shares sa social media. Marami ring mga netizens ang pumuri sa kagandahang-loob ni Jeong sa matandang babae.
Bagama't dayuhan, maituturing na inspirasyon si Jeong sa maraming mga Pinoy.
Sana.
0 comments: